top of page
  • Facebook
  • Gmail Logo
Bantayog.png

Problema ang Kontribusyon ng Patriyarkiya sa Mundo

Cyrel Sophia Isabel De Jesus

Ang konsepto ng patriyarkiya ay isang malaking problema na may epekto sa lipunan mula pa noon hanggang sa araw na ito. Ang mga feminists ay naniniwalang ang patriarchy ay isa lamang lason sa lipunan na kailangang matanggal bago pa magpatuloy ang mga susunod na henerasyon. Nag-ambag ito sa gender inequality na nagresulta sa pagiging biktima ng mga babae at lalaki katulad ng pagkakaroon ng gender roles.

 

Mula pa noong ika-19 siglo ay nagkaroon na ng malaking parte ang patriyarkiya sa kultura ng mundo. Ang mga lalaki ay dapat na magtrabaho upang may panggastos sa bahay, habang ang mga babae ay nararapat na maglinis ng tahanan, magluto, pagsilbihan ang kanilang mga asawa. Ang patriyarkiya ay isang male dominated na sistema. Inaasahan ang mga babae na maging submissive sa mga lalaki, dahil dito, ang mga batang babae na naipakikilala sa patriyarkiya sa maagang panahon ay nagkakaroon ng mga negatibong resulta habang lumalalaki gaya ng depresyon at takot sa mga lalaki. Kinakailangan din ng mga babae na mapasaya ang kanilang mga asawa kahit anong mangyari. Binigyan tayo ng kaisipan ng patriyarkiya na obligasyon ng kababaihan ang magkaroon ng asawa at magkaroon ng mga anak.

​

Sa Journal of Lutherian Ethics, mayroong artikulong isinulat si Heather Dean, isang with honors graduate sa Grinnell College at Major in History ang tinapos, kung saan ikinuwento niya ang karanasan ng kaniyang lola noong 1940s. Kung ang babae ay hindi nagawang makapagpakasal bago tumuntong sa 22 taong gulang, itinuturing na ito na masiyadong matanda upang magpakasal pa. Pagkatapos ng World War II, maraming mga babae ang kinailangan at nagmadali sa pagpapakasal, gaya ng kaniyang lola. Ang pagpapakasal ay pinaniwalaang instrumento upang magawa ng mga babaeng maging buo ang tahanan at pamilya, sa madaling salita—obligasyon. Kapag ang babae ay hindi natupad ang mga ito, kukuwestiyunin na ng lipunan ang kanilang self-worth.

​

Naaapektuhan din ng sistema na ito ang trabaho ng kababaihan. Kadalasan na minamaliit ang klase ng hanapbuhay ng mga babae kapag nalaman ng tao na nagtatrabaho sila. Sa report ni Jessica Schieder, isang Economic Analyst, at ni Elise Gould, Senior Economist, na nailabas sa Economic Policy Institute noong Hulyo 20, 2016, ang kababaihan ay nakalilikom ng 79 sentimo sa bawat dulyar na nalilikom ng kalalakihan. Sa ulat naman ng PayScale na gumagawa ng State of the Gender Pay Gap nito lamang Marso 2021, ang kababaihan ay nakalilikom ng 82 sentimo sa bawat dulyar na nalilikom ng mga kalalakihan. Ang gender pay gap ay nangyayari pa rin sa iba’t ibang sulok ng mundo. Nangyayari ang diskriminasyon at pagiging bias nito dahil pa rin sa patriyarkiya na nagsulong ng gender roles. Naging kaakibat na ng gender roles ang kapitalismo kaya naman hindi na nakagugulat na malaki pa rin ang pay gap sa lalaki at babae kahit dapat ay parehas lamang ang nalilikom nilang salapi.

​

Sa kawalan naman ng pamilya ng isang lalaki, nakararanas sila ng diskriminasyon dahil kinikuwestiyon sila kung bakit hindi pa sila nakahahanap ng asawa, wala ba silang trabaho na maganda ang kita, hindi ba siya sapat na dominant upang may mahulog na babae sa kaniya. Itinatak din ng patriyarkiya sa utak natin na dapat na palaging malakas at matikas ang kalalakihan, at dapat ay marami ang body count nila. Toxic masculinity ang nililikha ng patriyarkiya na itinataas ang damage sa iba’t ibang aspekto ng kalusugan sa kalalakihan dahil itinuturo nito sa atin na hindi dapat umiyak ang mga lalaki.

​

Ang patriyarkiya ay isang malaking pagbabanta sa emosyonal, mental, at pisikal na kalusugan kahit anong gender pa ang dinadala ng isang tao. Pinuputol ng sistema nito ang pagpapahayag ng tunay na nararamdaman at gustong gawin ng bawat isa. Ito ay isang sistema na hindi na dapat umusbong, naipakilala sa bawat henerasyon, at napatigil nang ito ay maipanganak. Ang layunin ng patriyarkiya ay ang hindi pagkakapantay-pantay ng mga tao, at hindi dapat ito payagan ng mundo sa lalong pagkalat ng isipin na nakapaloob sa sistemang ito. 

© 2022 Opisyal na Pahayagan ng General Licerio Geronimo Memorial National High School

school logo_edited.png
bottom of page