top of page
  • Facebook
  • Gmail Logo
Bantayog.png

Kung Sino pa ang Nagtanim, Siya pa’ng Walang Makain

G. Jerome Ramoneda

“Magtanim ay ‘di biro…,” ayon nga sa isang awiting-bayan kaya hindi maitatanggi na ang mga magsasaka ay maituturing ding mga bayani dahil sa pagpo-produce ng mga produktong agrikultural upang may makain ang bawat mamamayan. Ngunit bukod sa maghapong pagyukod sa pagbubungkal ng lupa at pag-aalaga ng hayup nang may mai-produce na maihahain sa bansa, pinasusubsob pa ang mga magsasaka ng iba pang suliraning panlipunan at pampamahalaan.

Isa sa mga ito ay ang di mapuksa-puksang mga smuggled agricultural product. Ayon sa ulat ni Gracie Rutao ng ABS-CBN News, aabot sa Php66 milyong halaga ng mga smuggled na gulay ang nasabat ng Bureau of Custom (BOC) sa Port of Subic na nakalagay sa dalawang container shipment nito lamang Nobyembre 22, 2021. Matapos sumailalim sa eksaminasyon, nakita na ang laman ng mga naturang shipment ay carrots, sweet oats, broccoli, mushroom at red onions.

Bukod pa ito sa Php267.27 milyong halaga ng agricultural products na kasama sa kabuuang Php20 bilyong halaga ng iba pang pinuslit na produkto ang nasabat ng BOC noong ika-04 ng Setyembre.

Dahil sa pagdagsa ng mga smuggled na gulay na ito sa mga pamilihan, nababawasan ang mga inaangkat na gulay sa mga local farmers sa Benguet, Mountain Province, at iba pang lokal na taniman sa bansa na nagiging dahilan ng kanilang pagkalugi. Napipilitan silang ibagsak pa ang mababa nang presyo ng kanilang mga produkto nang makalaban sa mga ipinupuslit na produkto papasok sa bansa.

Sa ulat ni Marisol Abdurahman sa GMA News “24 Oras” noong Setyembre 24, nagpahayag ng pagkabahala ang Benguet Farmers Cooperative dahil sa umano'y pagdating ng mga carrots na mula sa China samantalang kinumpirma ng Department of Agriculture (DA), na walang inaprubahang import permits ang Bureau of Plant Industry para sa carrots. Inimbestigahan naman na ng gobyerno ang naturang kaso.

Bukod sa mga smuggled agricultural product, nagpapahirap din sa mga magsasaka ang pagmahal ng presyo ng mga kakailanganin sa pagsasaka gaya ng presyo ng abono at ng langis para sa irigasyon. Ayon sa ulat ni April Rafales ng ABS-CBN News noong May 30, 2021, sinasabi ng Samahang Industriya ng Agrikultura (Sinag) na marami sa mga magsasaka ang natatakot magsaka ngayon ng palay. Mula kasi sa Php850 per bag ng abono ay umakyat ito sa Php1050 at nagtaas naman ang presyo rin ng langis na ginagamit sa pagkuha ng tubig sa irigasyon.

Hindi naman makapagbenta ng mas mahal ang mga local farmers kahit na tumataas ang production cost dahil sa pagbaba ng taripa ng mga inaangkat na bigas mula sa ibang bansa tulad ng India, China, at Pakistan.

Nagpapahirap din sa mga magsasaka ang labis-labis na importasyon ng mga agri-product mula sa ibang bansa at ang pagpapatupad ng Rice Tarification Law na sa halip na makatulong ay mas lalong pinapatay ang industriya ng pagsasaka sa Pilipinas.

Sa kabila ng mga ito, may mga ginagawang hakbang naman ang pamahalaan upang matulungan ang mga magsasaka gaya ng pagsusulong ang amyenda sa Rice Tarrification Law, pagpapasinaya ng Rice Competitiveness Enhancement Fund, pamamahagi ng mga bakuna sa mga baboy kontra ASF, at pagrerepaso ng budget para sa mga magsasaka.

Hindi lamang piko’t asarol ang pasan ng mga magsasaka bagkus pasan din nila ang tungkuling makapagproduce ng pagkaing sasapat sa mga Pilipino kaya bawat butil ng palay ay kumakatawan sa dugo’t pawis ng mga magsasakang naghihirap. Pahalagahan natin ang sakripisyong ito ng mga magsasaka sa pagtangkilik ng locally produce agri-products bago pa tayo tuluyang maubusan ng mga magigiting na bayani sa bukid.

© 2022 Opisyal na Pahayagan ng General Licerio Geronimo Memorial National High School

school logo_edited.png
bottom of page