Bente para sa Licerio: School Pantry Project ng GLGMNHS
Rian Nicole Pitallano
Litrato mula kay Francis Edward Arinton
Ang community pantry ay isang paraan ng mga mamamayang Pilipino na magbigay ng tulong sa mga nangangailangang tao sa gitna ng pandemyang COVID-19. Pinapakita nito ang pagkakaroon ng mabuting intensyon ng mga naninirahan sa bansa. Dahil sa isipang maibsan ang hirap na dinadanas ng mga mag-aaral sa GLGMNHS, naglunsad ng school pantry ang mga guro ng eskuwelahan para matulungan ang mga mag-aaral na may pangangailangan sa kagamitan sa bagong sistema ng pag-aaral.
​
Nagsimula ang proyektong ito sa apat na gurong sina Ma’am Maria Ada Santos, Ma’am Dianna Rose Gacita, Sir Leandro Jose Angeles at Ma’am Leah Salvador. Binuksan ang proyekto sa mga Grade 8 advisers bilang isang collaborative project at napasama rin ang iba pang mga grade levels hanggang sa makasali ang buong school community.
Nagbigay sila ng mga simpleng handog katulad ng papel, ballpen at iba pang school supplies na makatutulong sa mga mag-aaral. Nagbigay din sila ng COVID-Kit sa mga ito para mabigyan ng proteksyon sa COVID-19. Nailunsad nang matagumpay ang community pantry noong Ika-12 ng Oktubre taong 2021.
​
Sa katunayang ninais nilang matulungan ang mga kabataan kahit sa mga simpleng bagay lamang na naghahalaga ng bente pesos o mas mababa pa, naging klaro sa mga estudyante at mga magulang nito na may magandang intensyon at kagustuhang suportahan ng eskuwelahan ang mga mag-aaral kaya nakapaglunsad ng School Community Pantry. Hindi maipagkakailang habang ang bawat isa ay nasa gitna ng pagsubok, may mga taong maituturing na bayani na handang tumulong sa atin at sila ang ating mga guro at magulang. Saludo ang mga estudyante sa inyo, mga ginang, ginoo, at sa pamilya ng bawat bata na nakisama sa paglunsad ng School Pantry.
Iba Pang Balita
Pangmukha
Balita
Editoryal
Lathalain
Literatura
Isports
Agham
© 2022 Opisyal na Pahayagan ng General Licerio Geronimo Memorial National High School