top of page
  • Facebook
  • Gmail Logo
Bantayog.png

Larong Pinoy, Buhay ka pa ba?

Sophia Bianca H. Nanip

“Tagu-taguan maliwanag ang buwan, tayo’y maglaro ng tagu-taguan. Wala Sa likod wala sa harap, pagbilang kong sampu nakatago na kayo. Isa… dalawa… tatlo… apat… lima… anim… pito… walo… siyam… sampu!

 

Naaalala mo pa kaya ang awiting ito na iyong kinakanta noong ika’y bata pa? Marahil, marami nang hindi na matandaan ang larong ito dahil matagal-tagal na rin ang huli nating paglalaro ng mga larong Pinoy na talaga namang nagbigay kulay sa ating buhay-pagkabata.

 

Hindi maipagkakaila na naging parte na ng ating buhay ang mga larong Pinoy. Sabi nga nila, hindi kumpleto ang pagkabata mo kung hindi mo naranasang gawin ito. Ang mga halimbawa na lamang ay ang patintero, ice water, sipa tumbang preso, langit lupa, dampa, piko, agawan base, ten-twenty, luksong baka/ luksong tinik, teks, tagu-taguan, bahay-bahayan at marami pang iba na magpapatagaktak ng iyong pawis.

 

Nakakatuwang balikan ang mga araw na lagi nating nasa isip ang paglalaro. Matatandaan na sa paggising sa umaga ay tatawagin na agad ang mga kaibigan at kapitbahay upang maglaro. O kaya naman ay pagkauwi sa bahay galing sa paaralan, magpapalit agad ng pambahay at sabay patakbong lumalabas ng bahay. Nauudlot pa ito sapagkat kinakailangan mong matulog muna sa tanghali kaya inaabangan mo na lamang ang oras ng laro. Hindi mo na iisipin pa ang mga sugat, gasgas at dumi na makukuha dahil sa kasiyahan na nangingibabaw sa iyo. Tatawagin ka ng iyong magulang para umuwi dahil sa paggabi ngunit sa pagpasok ng tahanan ay dala-dala mo naman ang mga hindi malilimutang pangyayari sa araw na iyon. Tunay na kumpleto ang bawat araw na nagdaan kahit pa walang gadyet.

 

Sa paglipas ng panahon, patuloy na yumayaman ang mundo sa teknolohiya.  Mas lalo pang dumarami ang mga gadyet ngayong pumasok ang pandemya na siyang nakapagpatigil ng kinagisnang sistema ng pagtatrabaho at pag-aaral kaya’t napilitang ipalaganap ang “work from home” at “online classes” na kung saan gumagamit ng kompyuter, selpon at iba pa na batid nating tuluyan nang pumukaw sa ating atensyon. Nandyan na rin ang mga mobile games at social media na libangan na nang nakararami.

 

Nakakalungkot isipin na unti-unti nang nakakalimutan ang mga larong Pinoy na nagdudulot ng kasiyahan at pagiging aktibo sa atin dahil sa pandemyang ito at sa makabagong birtwal na mundo ngunit sa mga taong naabutan pa ito, sana ay ipamulat pa natin sa mga susunod na henerasyon ang mga larong Pinoy upang hindi mabaon sa limot at patuloy pa ring mabubuhay sa mahabang panahon.

© 2022 Opisyal na Pahayagan ng General Licerio Geronimo Memorial National High School

school logo_edited.png
bottom of page