Licerians, lumahok sa Philippine Biology Oympiad 2022
Hannah Kriztefan P. Angeles
Lumahok ang apat na mga piling mag-aaral ng Gen. Licerio Memorial National High School (GLGMNHS) sa Philippine Biology Olympiad 2022 na kinabibilangan ng mga kilalang paaralan matapos makatanggap ng imbitasyon upang ipamalas at palaguin ang kaalaman sa biyolohiya noong ika-29 ng Enero 2022 sa Zoom at Canvas.
Sa paghahanda sa nasabing kompetisyon, nagkaroon muna ng school-based elimination round kung saan kabilang ang siyam na mag-aaral sa Licerio na pinili base sa mga pinakitang galing sa asignaturang agham at kinuha ang apat na estudyante na may pinakamatataas na scores sa naganap na pagsusulit na sina Sophia Bianca H. Nanip (10- Einstein), Ernest Louise T. Macas (10- Einstein), Francis Edward Q. Arinton (10- Einstein), at Louis C. Gutierrez (8- Pasteur) bilang pambato sa PBO 2022.
“Sa pamamagitan ng pagsali natin sa PBO ay namulat ang ating mga mag aaral sa mas malawak na kasanayan at pag-aaral ng Biology. Ang karanasan na makukuha nila dito ay mas magpapatalas ng kanilang kaalaman hindi lamang sa asignaturang agham kundi maging sa proseso ng malawakang pakikipagtagisan ng talino. Bukod pa sa pribelehiyong maihanay sa iba pang magagaling na mag-aaral sa buong bansa at posibilidad na mag-uwi ng karangalan para sa kanilang sarili at sa ating paaralan,” saad ni Gng. Elizabeth Lerion, gurong tagapagsanay para sa nasabing patimpalak.
Sinimulan ang pagrereview na pinangunahan ng mga guro sa Science Department noong ika-16 Nobyembre 2021 na natapos noong ika-16 ng Disyembre 2021: Gng. Rogeline G. Vergara na tumalakay patungkol sa Cell, G. Jhon Ray C. Catalan para sa Bioenergetics at Genetics, Gng. Roselyn F. Dizon na may hawak ng paksang Organ System (Part 1), Bb. Weniella A. Germono naman ang nagturo sa Organ System (Part 2), G. Jose A. Nañoz III ang nagtalakay ng Ecosystem, Gng. Elizabeth S. Lerion na hawak ang paksang Evolution, at G. Roxan P. Cauba na tumalakay sa Biodiversity.
“Dito ko po na experience na reviewhin ang malawak na topic na kailangan ko pong pagtiyagaan na basahin nang basahin,” kwento ni G. Gutierrez.
“Thankful ako na naging part ako ng PBO dahil napalawak ang aming kaalaman sa biology at isa na ring karangalan ang makasali sa napakalaking kompetisyon dala ang pagiging Licerian,” pahayag naman ni Bb. Nanip.
“Mayroon kang matututunan na bago pagdating sa biology at hindi lamang ito, kasama na ang karanasan na dala ng pagsali sa kompetisyon na katulad ng PBO at ito ang pinakamahalaga,” sabi ni G. Macas.
“Mas nahahasa rin ang aming kumpiyansa, at natututunan namin ang pagtanggap sa kung ano man ang kahihitnan namin sa kompetisyong ito,” panayam naman ni G. Arinton.
Binubuo ng tatlong bahagi ang kompetisyon: elimination (January 29, 2022), semi-finals (February 19-20, 2022), at finals (March 12-13, 2022) na gaganapin sa mga online platforms habang may magaganap ding masterclasses sa Biology na eksklusibo lamang sa mga kalahok.
Iba Pang Balita
Pangmukha
Balita
Editoryal
Lathalain
Literatura
Isports
© 2022 Opisyal na Pahayagan ng General Licerio Geronimo Memorial National High School