Paglalaro sa Labas Para sa Ating Kinabukasan
Mariane Eunice G. Mortega
Sa panahon ngayon, hindi maaaring lumabas ang karamihan sa kabataan kaya’t unti unting nawawala ang mga larong pisikal at napapalitan ito ng mga mobile games kasabay sa pag-unlad ng teknolohiya. Hindi tulad ng pisikal na mga laro na kinakailangan pa ng espasyo, kagamitan at lakas ng katawan, cellphone at internet lamang ang kailangan ng mobile games at pwede nang malaro ito kahit saang panig man ng mundo ang manlalaro. Ngunit ito rin ang hindi kagandahan ng mobile games, dahil hindi na kailangan ng lakas at paggalaw, unti-unti nang humihina ang mga katawan ng kabataan ngayon at nakaaapekto rin ito sa pagkakabuo ng iba’t ibang instinto kaya’t dapat na ibalik na sa kanilang sistema ang paglalaro ng larong tradisyonal.
Ayon sa pag-aaral ni Suparno, mananaliksik ng Yogyakarta State University, mahalaga ang paglalaro ng mga pisikal/tradisyonal na laro dahil nakatutulong ito sa pagbuo ng kasanayang panlipunan ng isang bata. Kahit nasasanay rin ito sa paglalaro ng mobile games, hindi pa rin maikukumpara ang kalidad ng karanasan kung ito ay mararanasan ng bata nang personal.
Ayon naman kay Allyson Martin, mag-aaral ng 7-Galileo, mas maganda ang paglalaro sa labas kaysa sa paglalaro ng mobile games sapagkat nagbibigay oportunidad ito na mas sumisigla, mas sumasaya at aktibo ang katawan. Dito, mas gumagaan ang pakiramdam ng isang tao at mas lumulusog ang kanilang kalusugang pangkaisipan, emosyonal at sosyal.
Ang sabi naman ni Marice Añozo, mag-aaral ng 10-Einstein, nakakatulong man sa pagpapalawak ng kaalaman ang paglalaro ng mobile games, dahil lamang ito sa pandemyang hindi hinahayaan na makalabas ang maraming tao. Mas maraming benepisyo ang paglalaro sa labas at kung ikukumpara ang ating nakikita, mas marami ang tumatandang may malalakas na katawan dahil sa paglalaro sa labas.
Hindi masama ang paglalaro ng mobile games, ito’y parte na ng lipunan ngunit dapat na iwasan pa rin ang maadik sapagkat hindi ito maganda para sa ating mata at pag-iisip. Hindi makokontrol ang mga taong makakalaro kapag online kaya dapat na magdahan-dahan at huwag kalimutang disiplinahin ang sarili. Dapat ring maging aktibo upang mapanatiling malusog, hindi lamang ang ating katawan ngunit kasama na rin ang ating kalusugang pangkaisipan, emosyonal at sosyal.
Iba Pang Balita
Pangmukha
Balita
Editoryal
Lathalain
Literatura
Isports
Agham
© 2022 Opisyal na Pahayagan ng General Licerio Geronimo Memorial National High School