Paghahanda sa pagdating ng face-to-face classes
Ava Vernice V. Valenzuela
Noong ika-lima ng Setyembre, 2021, iniulat ng Department of Health (DOH) na posibleng sa huling bahagi ng taon, masisimulan na ang pagbabakuna kontra COVID-19 para sa mga edad 12-17 taong gulang. Dahil sa pangyayaring ito, mas magiging kampante na ang mga magulang sa seguridad ng kanilang mga anak at magreresulta ito ng kanilang pagsang-ayon sa bakunahan. Marami mang mga magulang ang natatakot sa magiging resulta ng bakuna para sa mga bata, alalahanin ding magsisilbi rin itong proteksyon para sa darating na face-to-face classes.
​
Ayon kay Pangulong Rodrigo Duterte, hindi niya ipababalik ang face-to-face classes hangga’t wala pang bakuna ang mga edad 12-17 taong gulang. Mas ligtas ang pagbabalik ng face-to-face classes kung naka-pagpabakuna na ang mga bata. Ngunit dahil wala pang bakuna para sa mga bata, kinakailangan munang manatili sa Online Distance Learning (ODL) at Modular Distance Learning (MDL) upang maging ligtas. Mas maayos kung ang lahat ng mga mag-aaral ay nakapagpabakuna na upang hindi magkahawaan ang mga mag-aaral at ganoon din sa mga guro.
​
Ayon naman kay DOH Sec. Francisco T. Duque III, pabor siya na bakunahan ang mga bata lalo na ang mga may comorbidity o may iba pang sakit. Kailangan ng mga bata ito upang proteksyon laban sa COVID-19 at hindi lumala ang may mga kondisyon o iba pang sakit na maaaring maging sanhi ng komplikasyon dahil sa hawaan ng COVID-19. Ang sabi ni Undersecretary (USEC) Myrna Cabotaje, uunahin muna ang pagturok sa mga batang may karamdaman o sakit. Pinag-usapan nila na ang unang pagtuturok ay gaganapin sa ospital upang masuri ang reaksyon o ang epekto ng turok sa mga bata ngunit isisiguro rin nila na may pahintulot ito sa mga magulang.
​
Tama lang ang pagkakaroon ng bakuna para sa mga batang 12-17 taong gulang upang bumaba na ang mga nagpopositibo sa virus at nang bumalik na ang dating pagtuturo. Mas mahina ang resistensya ng mga bata at matatanda laban sa COVID-19. Ngayon na mayroon nang bakuna ang senior citizens, panahon naman para bakunahan ang mga menor de edad. Maaari ngang hindi magkaroon ng malubhang karamdaman ang mga bata ngunit maaari pa rin silang maging instrumento ng paglaganap ng virus kaya’t mas makabubuti na mabakunahan na ang lahat.
Iba Pang Balita
Pangmukha
Balita
Editoryal
Lathalain
Literatura
Isports
Agham
© 2022 Opisyal na Pahayagan ng General Licerio Geronimo Memorial National High School