Limited Face-to-Face Classes, Atin nang Simulan
Mariane Eunice Mortega
Inaprubahan na ng Pangulo ang pagsasagawa ng limited face-to-face classes noong ika-20 ng Setyembre sa 100 pampublikong paaralan at 20 na pribadong paaralan. Marami man ang hindi sumasang-ayon at natatakot para sa kanilang anak, may iba namang mga estudyante na nagpabakuna na upang maiwasan ang pagkakaroon ng nakahahawang sakit. Ang pangamba sa iminumungkahi ng gobyerno sa ganitong panahon ay hindi maiiwasan, ngunit bago ang pagdedesisyon, maaari tayong mangalap ng impormasyon.
Ayon sa Manila Times, maraming estudyante ang nahihirapan mag-aral nang online dahil hindi lahat may maayos na koneksyon sa internet. Madalas silang nakararanas ng pagkawala sa klase o disconnection. Dahil sa problemang ito, hindi nila nasusundan ang mga aralin na itinuturo ng kanilang guro hindi katulad noong face-to-face, hindi magkakaroon ng disconnection at mas mabilis na matatalakay ang mga aralin ng guro.
​
Sa pag-aaral ni Mark Leiberman, mas gumaganda ang partisipasyon ng mga estudyante kung may kasama sila sa kanilang pag-aaral. Ngayon na virtual na lamang ang paraan ng pakikipag-ugnayan, medyo mahirap ang pagkakaroon ng collaborative na aktibidad sa pagitan ng mga estudyante. Hindi lahat ng mag-aaral kayang gawin nang mag-isa ang mga gawain at naghahanap ng mga kasama upang hindi mahirapan.
​
Ayon naman sa World Economic Forum, minarkahan ng 5/10 para sa pagiging epektibo ang online na pag-aaral. Nahuhuli ang karamihang estudyante sa mga aralin dahil hindi mabigyan ng kakayahang ipamalas ng mga guro ang kaalaman na kinakailangan at hinahangad ng mga mag-aaral sa online classes. Ang face-to-face na pag-aaral ay higit na naiiba sa virtual classes dahil mas mabilis ang pagpapasa ng kaalaman ng mga guro papunta sa kanilang mga estudyante.
​
Ang mabuting pagbabago ay hindi mangyayari nang buo kung ang online classes ay mananatiling ipinapatupad sa bawat paaralan. Isinasagawa na ng ibang mga paaralan ang limited face-to-face classes, at inaasahan na ring mas dadami ang magbubukas na paaralan sa susunod na taon. Sa ngayon, mahalaga ang bawat hakbang na ating gagawin upang makabalik sa dating sitwasyon sapagkat ito ang magbibigay liwanag kung saan tayo tutungo sa hinaharap.
Iba Pang Balita
Pangmukha
Balita
Editoryal
Lathalain
Literatura
Isports
Agham
© 2022 Opisyal na Pahayagan ng General Licerio Geronimo Memorial National High School