top of page
  • Facebook
  • Gmail Logo
Bantayog.png

Omicron, Ikinabahala ng Publiko

Deza Ahiel N. Geraldez

Hindi pa tapos ang pagtuligsa sa mga naunang variants ng COVID-19 ngunit may panibago na namang variant ang nadiskubre ng mga eksperto at pinangalanan itong “Omicron”, na sinasabing nakapanghahawa ng mas nakararami at nagbibigay ng mas malalang mga sintomas.

​

Kumpirmado ng Department of Health (DOH) ang deteksyon ng mga lokal na kaso ng Omicron variant sa bansa noong December 31, 2021. Una itong naiulat ng World Health Organization (WHO) na nagmula sa South Africa noong ika-24 ng Nobyembre 2021. Nang dumating ang ika-26 ng Nobyembre, 2021, itinalaga ito ng WHO bilang variant of concern na pinangalanang “Omicron.”

​

Kabilang sa pitong imported cases ng Omicron Variant ang anim na returning overseas Filipinos at isang Malaysian national. Tatlo sa mga kaso ang dumating mula United States sakay ng Philippine Airlines Flight number PR 103 noong Disyembre 15, 2021 at PR 127 noong Disyembre 16, 2021.

 

Samantala, dalawa naman ang mula sa United Kingdom sakay ng connecting flights ng Singapore Airlines flight SQ 910 noong Disyembre 15 at Emirates flight EK 332 noong Disyembre 9. Isa pang kaso ang dumating mula sa United Arab Emirates sakay ng Philippine Airlines flight 659 noong Disyembre 19, at ang huling reportadong kaso ay dumating mula sa Ghana sakay ng connecting flight ng Qatar Airways flight number QR 930 noong Disyembre 14. 

 

Sa pagtuklas ng mga lokal na kaso ng Omicron, mahigpit na nagbabala ang DOH sa publiko laban sa pagbabalewala sa ating minimum public health standards (MPHS), testing at isolation o quarantine protocols. 

​

"Kailangan din nating panatilihin ang ating paggamit ng pangangalagang pangkalusugan sa isang mapapamahalaang antas. Magagawa natin ito sa pamamagitan ng pagtutulungan upang maiwasan ang pagkalat ng COVID-19. Ang lahat ng mga karapat-dapat na indibidwal ay dapat mabakunahan o mapalakas sa lalong madaling panahon. Maaari din tayong gumamit ng surgical mask, double masking, o complementing cloth masks na may face shield,” ani DOH Secretary Francisco Duque III.

 

Iminungkahi ng paunang ebidensiya na maaaring tumaas ang panganib ng muling impeksyon sa Omicron, ibig sabihin, ang mga taong dati nang nagkaroon ng COVID-19 ay maaaring mas madaling ma-reinfect ng Omicron kumpara sa iba pang variant of concern.

 

“Hinihimok namin ang mga nagpapakita ng mga sintomas ng COVID-19 na ihiwalay, magpasuri, at tapusin ang itinakdang tagal ng quarantine. Sa huli, kung kaya natin, gawin natin ang home isolation na suportado ng regular na teleconsultation,” panapos ni DOH Secretary Duque.

© 2022 Opisyal na Pahayagan ng General Licerio Geronimo Memorial National High School

school logo_edited.png
bottom of page