top of page
  • Facebook
  • Gmail Logo
Bantayog.png

LGUs, nagdeklara ng Academic Health Break

Hannah Kriztefan P. Angeles

Nagdeklara ng Academic Health Break ang mga Local Government Units (LGUs) kasama ang iba pang lokal na opisyal matapos payagang magdesisyon ng Department of Education (DepEd) para sa kani-kanilang lugar dahil sa dumaraming mga estudyante at gurong nagkakasakit at sa pagtaas ng bilang ng kaso ng COVID-19 sa bansa.

 

Sinuspinde simula noong Enero 17-29, 2022 ang klase sa ibang bahagi ng bansa kabilang na ang Rizal habang isang linggong pahinga naman sa ibang lugar na kung saan hindi magkakaroon ng online class at module learning o iba pang gawain patungkol sa paaralan upang maipahinga ang pisikal at mentalidad na kalusugan ng mga estudyante at guro.

 

“Nakatulong ito upang mabawasan ang aking stress dahil kahit gumawa ka man ng kaunting gawain wala kang iniisip na deadline at hindi din naging mahirap nung ako ay nagkasakit dahil nagkataon ito sa academic break,” pahayag ni Bb. Marice Anozo, mag-aaral ng 10-Einstein.

 

Tumagal ng dalawang linggo ang Academic Health Break na sinundan naman ng isang linggong Midyear break mula Enero 31, 2022 hanggang Pebrero 5, 2022 sa buong bansa kung kaya’t mahaba ang pahinga ng mga estudyante, guro at iba pang kawani ng paaralan.

 

“Sa loob ng dalawang linggo ginawa ko ang mga bagay na noong may klase ay hindi ko magawa katulad na lamang ng mga bagay na hilig ko na gawin na nakakapagpagaan sa pakiramdam ko, sa unang linggo ay hindi muna ako gumawa ng gawain pang paaralan ngunit sa sumunod na linggo ako naman ay gumawa na upang mabawasan ang mga gawain,” dagdag pa ni Bb. Anozo.

 

“Natulungan nitong mas umayos ng kahit kaonti ang aking mental health. Maganda po ang naidulot nito tulad ng bawas stress, mas malilibang ang sarili, mas madaming oras para gawin ang mga asignatura sa paaralan, at iba pa,” sabi ni Bb. Abigail Joy F. Cardona mula sa 8- Pasteur.

 

Marami naman ang sumang-ayon sa pagpapatupad ng nasabing araw ng pahinga dahil sa mga sakit tulad ng sipon, ubo at lagnat na dinaranas ng mga estudyante at sa bugso na rin ng kaso ng COVID-19 ngayon kaya nabigyan ng pokus ang kanilang pagpapagaling at pagpapahinga.

 

“Ako ay naging masaya dahil naisipan ng DepEd na magpatupad ng health break para sa mga students. Nakikita ko yung hirap ng online class sa dalawa kong anak. Palagi silang may ginagawa at ‘di na nakakapagpahinga kahit sa weekends at nakaharap sa mga gadgets nila. Kaya nagpapasalamat ako dahil nagkaroon ng break at nadagdagan ang quality time namin ng mga anak ko. Napakahalaga rin kasi ang health ng isang tao, kaya mabuti ang naidulot ng academic health break para sa mga estudyante,” panapos naman ni Mr. Neruzar F. Angeles, isang magulang.

Agham

© 2022 Opisyal na Pahayagan ng General Licerio Geronimo Memorial National High School

school logo_edited.png
bottom of page