top of page
  • Facebook
  • Gmail Logo
Bantayog.png

Hubog ma’y Obra-maestra, ‘Di dapat Lamukusin ng Pagnanasa

Sophia Isabel De Jesus

Walang oras ang pagdidili-dili sa umaasong kalamnang nangangati,

walang habas at nakapagpapatigagal na yuyurakan ang iyong

mahalinang puri.

 

Paismid ka mang kumunot o takbo man ng isipan mo’y kaibayo,

ang pinipintuhong hibla ng sinag ay maglalaho sa kabuhungang

nakapagpapasikdo.

 

Mahalimuyak at mapang-aliw, kaya’t sa pagsunggab, ‘di mag-aatubili.

Nakabubulahaw na pagsusumakit ang dulot ng kapusukang

namamalagi.

Hindi makatao ang pagpapaibayo ng pagnanasang yanung-yano,

kundi masahol pa sa dilubyo’t eskomulgadong kondenado.

 

Kung sa panggigipuspos nga’y ikaw—itinali,

niyukyok at hinutok yaong katawan at kaselangang walang-habas na inapi,

‘di mapaparam ang maganit na daang tinahak ngunit namamayani ang

pag-aatikabo,

pilitin ang balintataw ng hustisyang ‘di pumikit sa ‘sang katulad mo.

 

Noo’y itaas at katotohanan ang ikandili.

Tatagan ang loob kahit na isuko ng sansinukob na umiri.

Yapusin ang sarili’t sa kadiliman ay lumayo;

ikaw ang may-ari—angkinin yaong katawan nang buong-buo.

© 2022 Opisyal na Pahayagan ng General Licerio Geronimo Memorial National High School

school logo_edited.png
bottom of page