top of page
  • Facebook
  • Gmail Logo
Bantayog.png

Anti-Terror Law, Busal sa Karapatang Pantao

G. Jerome Ramoneda
anti terror law.png

Sa panahong ang mga mamamayan ay higit na may access na matamasa ang karapatan sa malayang pagpapahayag ng kanilang mga saloobin at palagay sa politika, pamahalaan, at lipunan gamit ang iba’t ibang platform, hindi madaling matukoy kung ano ang intensyon ng pagpapahayag ngunit mabilis sa taong mahusgahang aktibistang kumakalaban sa gobyerno, o sa mas malala pa’y ‘komunista’ o ‘terorista’. Kung gayon, dapat maging higit na malinaw ang katuturan ng komunista at terorista batay sa batas.

​

Sa Ulat ni Mike Navallo ng ABS-CBN News, idineklara  ng Supreme Court na ‘unconstitutional’ noong Disyembre 09, 2021  ang bahagi ng seksyon 4 ng Anti-Terror Law na mahigit isang taon nang kinukwestyon ng maraming progresibong grupo sa bansa. Sinasabi ng bahaging ito ng batas na itinuturing na acts of terrorism ang pagpoprotesta kung ang intensiyon nito ay makapatay o makapanakit ng ibang tao o lumikha ng seryosong banta sa kaligtasan ng taumbayan.

​

Ayon sa SC, "Overbroad" o masyadong malawak umano ang sakop ng bahaging ito ng batas at lalabagin ang kalayaan sa pamamahayag.

Nakapangangamba ang lawak ng probisyong ito na maaaring magamit laban sa mga kritiko ng administrasyon at masiil ang karapatan sa pamamahayag at bumuo ng asembleya. Lalo pa’t idineklara namang ‘constitutional’ ng SC ang Section 29 ng naturang batas na pinapayagan ang mga pulis at mga militar na ikulong ang sinumang pinaghihinalaan pa lang na may kinalaman sa anumang akto ng terorismo nang walang judicial warrant of arrest. Mas malala pa ito sa suspesyon ng writ of habeas corpus. Sa Section 25 naman, may kapangyarihan din ang Anti-Terrorism Council (ATC) na binubuo halos ng gabinete na ideklarang terorista ang sinuman, maging ang mga kritiko ng administrasyon kahit hindi sila korte basta may probable cause.

​

Ang nangyaring Calabarzon raid noong ika-7 ng Marso na tinaguriang ‘Bloody Sunday’ kung saan 9 ang napatay na napagbintangang komunista, na kalauna’y napatunayang inosente, ay isa lamang sa mga nakatatakot na bunga ng mga probisyong ito.

​

Bukod dito, nagdulot din ng takot sa mga organizer ng community pantry noong kasagsagan ng lockdown dulot ng pandemya ang red tagging ng mga pulis at sundalo o ang pagbibintang nila sa ilang organizer, na komunista kahit walang sapat na basehan.

​

Ang terorismo ay isang malaking problema ‘di lamang ng bansa kung hindi ng buong mundo na dapat tugunan upang maprotektahan ang kapakanan ng mga mamamayan. Ngunit ang pagpasa ng mga batas upang tugunan ito nang naisasawalang-bahala ang karapatang pantao ay hindi rin isang mainam na hakbang upang proteksyunan ang mga mamamayan at dapat tutulan. Mas mainam kung magiging tiyak at malinaw ang mga panukat at proseso na gagamitin upang matukoy ang hangganan ng kahulugan ng terorista at komunista sa aktibistang naglalayon lamang isabuhay ang kanilang karapatang makapagpahayag ng saloobin.

Agham

© 2022 Opisyal na Pahayagan ng General Licerio Geronimo Memorial National High School

school logo_edited.png
bottom of page